Hindi fare hike ang nakikitang solusyon ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide o PISTON para matulungan ang mga driver at operator sa patuloy na pagtaas sa presyo ng langis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PISTON chairman Mody Floranda sinabi niya na naghain ang Pasang Masda ng fare hike o dagdag na pisong singil sa pamasahe sa mga pampasaherong Jeepney.
Aniya malaking tulong ito kung sakali para sa mga namamasadang Jeepyney Drivers subalit walang saysay ang dagdag pamasahe kung patuloy na sisirit ang presyo ng petrolyo.
Para sa grupo mas kailangan na mapag-aralan ang pagtanggal ng 12% Value Added Tax at Excise Tax sa Langis dahil mula ng maipatupad ito noong 2014 ay umabot na sa 15,860 o katumbas ng 63.30 centavos ang nawawalang kita sa mga Driver at operators.
Kung matatandaan maging ang Makabayan Coalition ay naghain narin ng resolusyon na humihiling sa 20th Congress na muling mapag-aralan ang Oil Deregulation law at buwis sa langis na 27 years ng nagpapahirap sa sektor ng transportasyon.
Panawagan din nila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na payagan na silang makapag renew ng prangkisa para patuloy silang makapag serbisyo sa mga mananakay dahil anumang delay sa mga mangagawa ay malaking pagbulusok o epekto sa ekonomiya ng Bansa.
Maging aniya si DOTr Sec. Vince Dizon ang nagsabi na hindi pa napapanahon para ipilit na isulong ang modernisasyon, lumutang rin ang datos na halos 60% na ng mga kooperatiba at korporasyon ang nabigo ng makapagbayad.
Batay sa DOTR nasa 33.3% pa lamang ng kabuuang bilang ng mga kooperatiba at korporasyon ang kanilang naaprubahan para sa modernisasyon.










