--Ads--

Sa kabila ng mga pag-ulang dulot ng low pressure area ay hindi nagpapigil ang mga debotong Katoliko na nagtungo sa kapistahan ng Our Lady of the Visitation of Guibang sa Gamu, Isabela.

Dinagsa ng higit isang libong deboto o mananampalataya ang simbahan sa kabila ng mga pag-ulang naranasan.

Tuwing ikalawa ng Hulyo, muling nabubuhay ang pananampalatayang Katoliko sa Pilipinas sa pamamagitan ng kapistahan ni Nuestra Señora de Guibang.

Ang mga makabuluhang okasyong ito ay dinarayo ng libu-libong deboto mula sa iba’t ibang panig ng bansa bilang patunay ng matinding debosyon ng mga Pilipino kay Maria na Ina ng Diyos.

--Ads--

Sa Gamu, Isabela, nakasentro ang debosyon kay Our Lady of Guibang. Dito, dagsa ang mga deboto upang magbigay-pugay sa mahal na imahen, humiling ng panalangin, at magpasalamat sa mga natanggap na biyaya.

Tampok sa kapistahan ang sunud-sunod na mga religious activities gaya ng banal na misa, prusisyon, at mga panata ng pasasalamat na lahat ay sumasalamin sa matibay na pananampalataya ng mga Katoliko.

Sari-sari o ibat-iba ang hiling ng mga debotong dumalo sa kapistahan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa isa sa mga debotong nagtungo sa National Shrine ng Our Lady of the Visitation of Guibang na si Ginang Mina Jose na residente ng Centro San Antonio City of Ilagan sinabi niya na mag-isa lamang niyang nagtungo para sa kanyang panata.

Aniya sa kabila ng masamang lagay ng panahon ay pinilit niyang dumalo sa misa dahil taun-taon na niya itong ginagawa upang ipagdasal ang mahabang buhay.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Aurora Maluyo, walumput limang taong gulang na residente ng Roxas Isabela sinabi niya na ilang dekada na siyang deboto at lagi niyang hinihiling ang gabay at pagpapala ng panginoon sa tuwing siya ay dumadalo sa kapistahan.

Emosyonal na ibinahagi ni Ginang Maluyo na dahil sa kanyang mga anak at kapamilya kaya taun-taon siyang nakikibahagi sa pista.

Patuloy niyang ipinagdarasal ang kaligtasan ng kanyang mga kapamilya at kamag-anak kahit ang iba ay nakatira na sa malalayong lugar pangunahin na ang kanyang mga kapatid sa Amerika.

Ibinahagi rin nito na minsan na rin niyang kwestyunin ang panginoon matapos siyang mabiktima ng Budol-Budol kung saan nanakawan siya ng alahas.

Sa kabila nito ay nagpatuloy siya sa pagiging deboto at pagdarasal para sa kanyang kaligtasan at mas mahaba pang buhay.

Samantala nakaalerto pa rin ang Gamu Police Station at iba pang force multipliers sa kapistahan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Jacinto Decena, Deputy Chief of Police ng Gamu Police Station, sinabi niya na matiyaga nagbantay ang mga kapulisan at iba pang force multipliers sa kalsada patungo sa simbahan upang matiyak na walang pagsikip sa daloy ng trapiko.

May mga nauna nang itinalagang alternate route at parking area upang maiwasan ang pagsikip ng daloy ng trapiko sa lugar.

Sa kasalukuyan ay wala pa naman silang naitalang hindi kanais-kanais maliban sa mga nagkacounter flow na mga tricycle sa lansangan.

Karamihan kasi sa mga bumibyaheng tricycle drivers ay hindi sumusunod sa itinakdang panuntunan sa daloy ng trapiko sa lugar.

Batay sa kanilang obserbasyon, nabawasan ang bilang ng mga debotong dumalo sa pista na maaring dahil sa mga pag-ulang nararanasan at ang ilan ay may mga pasok sa trabaho.

Tiniyak naman niya na patuloy silang magbabantay upang matiyak ang kaligtasan ng mga debotong dumalo sa pista.