
CAUAYAN CITY– Hindi rason ang isang buwan na lamang na natitirang panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte para makapaglabas ng Executive Order na nagsususpinde sa oil deregulation law.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Mody Floranda, chairman ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide o PISTON na mariin nilang kinukundena ang sinasabi ng pamahalaan na hindi na kakayaning makapagpalabas ng executive order ni Pangulong Duterte para suspendihin ang mataas na buwis sa produktong petrolyo dahil isang buwan na lamang ang nalalabi sa kanyang panunungkulan.
Aniya, kung gusto ay may paraan pero kung ayaw ay maraming dahilan dahil wala namang pupulungin sa paggawa ng executive order.
Ang gagawa lang naman ng executive order ay ang kanyang secretary at magpipirma lang naman si Pangulong Duterte.
Giit niya na ang presidente ang isa sa pinakamataas na puwesto sa pamahalaan kaya nasa kanya ang lahat ng kapangyarihan.
Hindi rin aniya mahirap para sa pangulo na maglabas ng kautusan kung talagang nakikita niya ang kalagayan ng mga mamamayan pangunahin na sa pampublikong transportasyon.
Samantala, umaasa naman ang PISTON na maipamahagi na sa lalong madaling panahon ang fuel subsidy na unang sinuspinde ng COMELEC dahil sa election ban.










