Maituturing umanong tagumpay ang isinagawang mga pagkilos ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide o grupong PISTON noong unang linggo ng Enero.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PISTON Chairman Mody Floranda, sinabi niya na sa kasalukuyan ay pinapayagan nang makapag-renew ng prangkisa ang mga traditional jeepney. Ayon sa kanya, sa pamamagitan ng kanilang mga isinagawang protesta ay naipakita ng kanilang hanay ang malaking kakulangan ng pampublikong transportasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Aniya, sa buong bansa ay nasa 128,870 na lamang ang kabuuang bilang ng mga traditional jeepney, mula sa dating mahigit 300,000, dahilan upang maapektuhan ang pang-araw-araw na buhay ng mga mananakay.
Batay umano sa inilabas na datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nasa 13,000 lamang ang bilang ng mga modernized jeepney o mini bus sa buong bansa, na malayong hindi sapat upang matugunan ang pangangailangan ng mga mananakay na umaasa sa pampublikong transportasyon.
Ayon pa kay Floranda, katatapos lamang niyang makipag-dayalogo sa LTFRB Region 6 kaugnay ng renewal ng prangkisa ng mga traditional jeepney operator, na agad namang pinagbigyan ng naturang ahensya.










