--Ads--

CAUAYAN CITY – Iginiit ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na dapat na pag-aralan ng pamahalaan na alisin na ang excise tax sa langis.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Mody Floranda, national chairman ng PISTON na nadismaya sila sa naging desisyon ng pamahalaan na hindi gagalawin ang excise tax ng langis upang maibsan ang lingguhang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Para sa kanila ay kailangan itong masusing pag-aralan ng pamahalaan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Halimbawa aniya sa National Capital Region (NCR) na aabot na sa 78 pesos ang presyo ng kada litro ng diesel habang 80 pesos na ang kada litro ng gasolina at kerosene.

--Ads--

Naniwala sila na hindi lamang sa excise tax sa langis ang mapagkukunan ng buwis ng pamahalaan dahil mayroon naman ang TRAIN LAW at Expanded Value Added Tax (E-VAT).

Dapat din aniyang habulin ng pamahalaan ang mga malalaking negosyante na hindi nagbabayad ng tamang buwis.

Dapat lamang na pag-aralan ang pagsuspindi ng  excise tax sa langis upang hindi masyadong maapektuhan hindi lamang ng mga transportation sector kundi maging ang mga pangunahing bilihin na tumataas na rin ang presyo.

Ang pahayag ni Ginoong Mody Floranda.