--Ads--

CAUAYAN CITY– Naghahanda ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) sa posibleng pagkilos o transport strike bukas, araw ng martes kasabay ng pagpapatupad ng panibagong pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PISTON Chairman Mody Floranda, sinabi niya na bukas, araw ng Martes ay ipapatupad na ang P6.00 na dagdag presyo sa diesel at P2.00 dagdag presyo sa gasolina.

Ayon kay PISTON Chairman Floranda, ang pagkilos ay hindi lamang sa NCR kundi maging sa iba pang mga rehiyon.

Ipapanawagan ng PISTON ang pakikiisa ng mga dtiver/operators sa ibat ibang rehiyon na magsagawa ng kilos protesta sa harapan ng mga kumpanya ng langis dahil sa harap-harapang pagsalaula umano sa saligang batas.

--Ads--

Dahil dito ay napapanahon nang marebisa ang probisyon sa ilalim ng Oil Deregulation Law kung saan nakatali ang kamay ng pamahalaan may kaugnayan sa paggalaw ng presyo ng langis sa mga pribadong kumpanya.

Hinamon ng PISTON si President Elect Bongbong Marcos na resolbahin ang usapin sa walang humpay na pagtaas sa presyo ng petrolyo at iba pang problema sa sektor ng transportasyon.

Igniit niya na kung hindi naisulong sa ilalim ng 18th Congress ay muli nilang isusulong ang kanilang mga panawagan sa pagpasok ng 19th Congress.

Matatandaan na nauna nang naglabas ng pahayag si President Elect Marcos na hindi gagalawin ang usapin sa excise tax sa langis subalit iminumungkahi na i-subsidized ang tatlumpung bahagdan ng konsumo ng langis bilang ayuda sa mga namamasadang tsuper at mananakay.