Muling nanawagan ang grupong PISTON o Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide sa pamahalaan na muling payagan ang mga unconsolidated jeepney operators na makapag-renew ng prangkisa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PISTON Chairman Mody Floranda, sinabi niya na malaki ang kakulangan ng pampublikong transportasyon sa bansa na lubhang nakaaapekto hindi lamang sa hanay ng mga driver at operators kundi maging na rin sa mga mananakay.
Dahil umano sa panggigipit ng pamahalaan sa traditional drivers at operators ay nagsa-suffer ang mamamayan dahil sa siksikan na mga pasahero sa mga mini-buses na bunga ng kakulangan ng public transport.
Dahil dito ay nanawagan siya kay pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kung maaari ay payagan silang muling makapag-rehistro dahil makatutulong ito hindi lamang sa kabuhayan ng mga tsuper kundi malaki rin ang magagawa nito upang mapanatili ang maayos na serbisyo sa taumbayan pangunahin na sa mga mananakay.
Bibigyang-diin nito na ang problema sa kakulangan sa public transportation ay nakaaapekto sa ekonomiya ng bansa dahil karamihan sa mga manggagawa ay umaasa sa pampublikong transportasyon at ang ilang oras na pagkahuli nila sa trabaho ay maaaring makaapekto sa ekonomiya.
Batay na rin aniya sa pag-aaral ng bagong kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na si Sec. Vince Dizon, hindi umano napapanahon na itulak ang usapin sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) dahil 60% ang hindi nakakapag-bayad sa mga nag-loan na mga kooperatiba at korporasyon.
Sinegundahan din aniya ito ni Pangulong Marcos at sinabing kinakailangan munang pag-aralan ang naturang programa dahil sa ilang mga butas na nakita sa implementasyon nito.
Gayunman, ipinagtataka pa rin ng grupong PISTON kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin pinapayagang makapag-renew at makapag-rehistro ang karamihan sa mga drivers at operators.











