--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagbabala ang PNP Highway Patrol Group (PNP-HPG) Isabela sa mga sasakyan na walang permit mula sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na nagsasakay ng pasahero mula sa ibang lugar pauwi sa lalawigan ng Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Rey Sales, provincial officer ng PNP-HPG Isabela, sinabi niya na mahigpit silang nagbabantay sa mga checkpoints dahil sa mga impormasyon na ginagamit ang mga kolorum na pampasaherong van sa pagbiyahe ng mga pasahero pauwi sa lalawigan at dinidiretso ang mga ito sa kanilang mga bahay.

Aniya, hindi dumadaan sa quarantine ang mga pasahero kaya delikado dahil maaaring carrier sila ng COVID-19.

Talamak na ito mula noong simula pa lamang ng pandemya at marami na ring nasampahan ng kaso.

--Ads--

Kumukuha ng mga pasahero ang mga kolorum na van sa pamamagitan ng online transactions sa facebook.

Noong una ay pinapayagan ito ng mga otoridad bilang konsiderasyon sa mga mamamayang kailangan nang umuwi dahil sa pandemya.

Humingi naman ng paumanhin ang HPG Isabela sa mga mamamayan dahil kailangan nang mapigilan ang mga ito bilang pag-iingat kontra COVID-19.

Nagsasagawa ng cyber patrolling ang mga otoridad sa facebook upang matiktikan ang mga nagsasagawa ng online transaction sa pagkuha ng mga pasahero.

Ang bahagi ng pahayag ni Major Rey Sales ng HPG Isabela.