Itinigil na ng Aritao Police Station at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO Aritao ang pagsasagawa ng Search and Retrieval Operation sa isang lalaki na tinangay ng malakas na agos ng tubig habang tumatawid sa ilog noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Paeng.
Ang biktima ay si Nico Ramirez, dalawampu’t anim na taong gulang at residente ng Balite, Aritao, Nueva Vizcaya.
Kasama noon ng biktima na tinangay ng tubig ang kanyang asawa na si Laila Ramirez, dalawampu’t pitong taong gulang at biyenan na si Alfredo Julian, animnapu’t dalawang taong gulang at swerteng nakaligtas ang dalawa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay PCapt. Roger Visitacion, Hepe ng Aritao Police Station, sinabi niya na sa abiso ng ARITAO MDRRMO, PDRRMO at ilang eksperto sa medisina ay posible umanong nagkapira-piraso na ang katawan ng biktima dahil sa tagal na ng pagkakababad sa tubig at batu-bato pa ang ilog.
Nauna rito ay nabuhayan ng loob ang pamilya ng biktima nang may makitang pinaniniwalaang bangkay na lumutang sa ilog na bahagi ng bayan ng Bambang subalit batay sa nakakita ay lumubog din ito at bigo ring makita ang nasabing bangkay.
Mula sa bayan ng Aritao ay sinuyod ng mga rescuers kasama ang mga kaanak ng biktima ang ilog na kumokonekta sa Bambang, Bayombong, Solano hanggang sa bayan ng Quezon.
Sinang-ayunan naman ng mga kamag-anak ng biktima ang pagtigil na sa pahahanap sa katawan nito.
Sumailalim naman sa psychological debriefing ang mga ito at ipinaliwanag ang teorya ng mga eksperto at para maiwasan na Ring madagdagan pa Ang mga taong posibleng malagay sa alanganin ang Buhay dahil sa paghahanap.
Magugunitang nakuryente noon si Patrolman John Marvin Estocado na kasapi ng 2nd NVPMFC habang nagsasagawa ng rescue operation.
Ayon naman kay Pat. Estocado, stable na ang kanyang kalagayan subalit posibleng matagalan pa bago siya makabalik sa serbisyo.
Sa ngayon ay patuloy ang monitoring ng mga otoridad para maiwasan na malagay sa panganib ang buhay ng mga kamag-anak ng biktima na posibleng ipagpatuloy ang paghahanap sa ilog.