Nakaalerto na ang mga tauhan ng PNP Aviation Security–Cauayan Airport Police Station sa unti-unting pagdagsa ng mga biyahero ngayong papalapit ang Undas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Ricardo Lappay, Assistant Chief of Police, sinabi nitong dalawang linggo bago ang Undas ay nakatanggap sila ng direktiba mula sa Regional Office upang paigtingin ang seguridad sa paliparan.
Ayon kay Lappay, mahigpit na nakatutok ang kanilang hanay sa Gate 1 ng paliparan, kung saan limitado lamang ang maaaring makapasok partikular na ang mga awtorisadong tao at yaong may lehitimong pakay sa loob ng airport premises.
Katuwang din nila ang Special Operations Unit (SOU) sa pagbabantay sa paliparan dahil mayroon itong mga trained K9 dogs na ginagamit upang mapabilis ang inspeksyon at matiyak na walang anumang pampasabog o kontrabando na makalusot sa lugar.
Dagdag pa ni Lappay, nitong buwan lamang ng Oktubre, tatlong pasahero na ang nakumpiskahan ng bala ng baril. Ayon sa mga pasaherong ito, dala umano nila ang bala bilang anting-anting, ngunit patuloy pa ring ipinatutupad ng pulisya ang kaukulang protocol sa ganitong mga insidente.
Bukod dito, isa rin sa mga pangunahing concern ng ahensya ang pagpapatupad ng “No Bomb Joke Policy.” Binalaan ng pulisya ang publiko na ang sinumang magbiro o magbanggit ng anumang may kaugnayan sa bomba sa loob ng paliparan ay agad na aarestuhin at pananagutin sa batas.
Paalala rin ni Lappay sa mga biyahero na dumating sa paliparan nang hindi bababa sa isang oras at 30 minuto bago ang flight upang maiwasang ma-late at maiwanan ng biyahe.











