--Ads--

Patuloy na pinapalakas ng PNP Benito Soliven ang kanilang presensya sa kalsada sa pamamagitan ng checkpoints, highway monitoring, at social media posts upang mas maging updated ang mga tao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Officer-in-Charge Police Captain Ronnie Hereña ng PNP Benito Soliven sinabi niya na nananatiling peaceful ang bayan, kung saan limang minor vehicular accidents lamang ang naitala sa provincial road nitong nakaraang buwan.

Nakikipag-ugnayan din sila sa mga paaralan upang gabayan ang mga kabataang gumagamit ng motorsiklo. Sa kasalukuyan, wala pang naitalang aksidenteng kinasangkutan ng menor de edad.

Samantala, sa pagpasok ng Kapaskuhan, mas pinalalakas ng PNP ang police visibility at pagpapatrolya, lalo na’t inaasahang dadagsa ang mga balik-bayan at bisita. Tututukan din ng pulisya ang District 1 at Poblacion ng bayan, kung saan nakatakdang magbukas ang municipal banchetto.

--Ads--

Binabantayan din ang mga establisyementong nagtitinda ng mga Christmas lights at posibleng bentahan ng paputok upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Sa kasalukuyan, nakapagtala ang tanggapan ng PNP ng labinsiyam na drug-cleared barangays at sampu (10) na drug-free barangays.

Bagama’t Class C municipality ang Benito Soliven, hindi nagpapahuli ang hanay pagdating sa kampanya kontra kriminalidad. Mula Pebrero hanggang Hunyo, nakasamsam ang PNP ng humigit-kumulang walong libong board feet ng illegal logs sa bayan. Nahuli rin ng mga awtoridad ang Top 7 regional at Top 1 provincial wanted persons na may kasong rape.

Gayunman, patuloy na tinitiyak ng PNP Benito Soliven na magiging payapa at ligtas ang bayan ngayong Kapaskuhan, at nananawagan sila sa publiko na manatiling disiplinado at maging katuwang sa pagpapanatili ng kaayusan.