CAUAYAN CITY – Pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen Camilo Pancratius Cascolan ang seremonya ng pagpapalit ng pangalan ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) bilang Camp Lt. Rosauro D. Toda Jr.
Ito ay bilang pagkilala sa naging kabayanihan at kagitingan ni Lt. Rosauro Toda Jr. na nasawi sa pakikipagsagupa sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Diarao, Dicamay 2, Jones Isabela noong taong 1988.
Bukod kay PNP Chief Cascolan at mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan ay dumalo seremonya ang naulilang pamilya ni Lt. Toda Jr. mula sa Sta. Maria, Isabela.
Si Lt. Rosauro Toda Jr. ay isinilang noong June 5, 1963 at panganay sa 11 na anak nina Ginoong Rosauro Toda Sr. na isa ring alagad ng batas at Maximina Danao, isang public school teacher.
Inilarawan si Lt. Jun Toda na responsableng anak at kapatid at matalino dahil naging consistent honor student.
Nagtapos siya na valedictorian noong 1976 sa San Antonio-Lingaling Elementary School sa Sta. Maria, Isabela habang nagtapos ng sekundarya sa St. Louis College of Tuguegarao at tinaguriang school’s mathematician dahil sa angking-galing sa Mathematics.
Kumuha siya ng kursong Electronics and Communication Engineering sa University of Sto. Tomas (UST) ngunit nagdesisyon na pumasok sa Philippine Military Academy (PMA) noong 1982.
Kabilang siya sa Sinagtala 1986 Class at naging kauna-unahang PMA graduate mula sa Sta. Maria, Isabela.
Sa ranggong 2Lt ay naging miyembro siya ng Philippine Constabulary at tumanggap ng pagkilala bilang 1st Ranger Regiment Commander’s Physical Proficiency Awardee dahil sa mahusay na pagtupad sa serbisyo.
Noong taong 1988 ay inatasan si Lt Toda Jr. ni dating Lt. Colonel Panfilo Lacson, nagingprovincial commander na pangunahan ang tropa na nakabase sa Jones, Isabela sa pagpapatrulya sa Sitio Diarao, Dicamay 2, Jones Isabela.
Nasawi siya sa naganap na sagupaan kasama ang isang civilian driver at isang 9 anyos na bata matapos silang tambangan ng mga kasapi ng NPA.
Naulila ni Lt Toda ang kanyang misis na si Maria Concepcion Toda na pitong buwan na buntis sa nasabing panahon.
Sa naging talumpati ni PGen Cascolan, pinuri niya ang katapangan at kabayanihan ng kanyang yumaong classmate sa PMA Sinagtala 1986 Class.
Binati rin niya ang pamilya ni Lt Jun Toda na dumalo sa nasabing seremonya.












