--Ads--

CAUAYAN CITY– Tiniyak ng pamunuan ng Cordillera Administrative Regional Police Office na maibibigay ang lahat ng mga kapakinabangan sa pamilya ng mga nasawing pulis at mga sugatang pulis sa pagsisilbi ng warrant of arrest sa isang wanted person sa Lubuagan, Kalinga.

Dumating si PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa sa Kalinga upang personal na bisitahin ang mga namatay na apat na pulis maging ng mga sugatan na nagsilbi ng warrant of arrest laban kay Willy Sagasag.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Chief Supt. Elmo Francis Sarona, Regional Director ng Cordillera Administrative Regional Police Office na layunin ng pagdating ni PNP Chief Dela Rosa na ipaabot ang kanyang pakikiramay at matiyak na maibigay ang mga nararapat na benepisyo sa pamilya ng mga nasawing at nasugatang mga pulis.

Ilan lamang sa mga benepisyong ipagkakaloob sa pamilya ng mga nasawi ay ang special financial assistance, monthly pension, burial assistance, ang pagbibigay ng isang kabang bigas kada buwan sa loob ng 6 na buwan o hanggang matanggap ang pension ng mga pamilya ng nasawing pulis at schoolarship sa kanilang mga anak.

--Ads--

Sa mga nasugatang pulis ay maaaring bigyan ng special promotion, re-imbursement sa kanilang hospital bill, insurance at maaaring mabigyan ng Presidental Social Fund.

Mabibigyan din ng medalyang kadakilaan ang mga nasawing pulis at medalya ng kagitingan sa mga nasugatang pulis..

Inihayag pa ng regional director na nagpadala na siya ng pangkat upang magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy kung mayroong pagkukulang ang mga pulis sa pagsisilbi ng warrant of arrest.

Nasa mabuti nang kalagayan ang mga sugatang pulis na sina P/Senior Insp. Edward Liclic, P01 Ferdie Liwag at PO1 Ferdinand Asuncion.

Iniuwi na rin ang bangkay ng mga namatay na pulis na sina PO3 Crizaldo Lawagan, PO2 Jovenal Aguinaldo, PO1 Charles Compas at PO1 Vincent Paul Tay-od.