Tinanggap ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III ang hamon ni Davao City Acting Mayor Sebastian “Baste” Duterte na suntukan.
Sa isang panayam sa Calabarzon nitong Miyerkules.sinabi ni Torre na marami sa ating kababayan ang nangangailangan ngayon dahil sa mga pagbaha at epekto ng habagat kaya maganda umanong pagkakataon ito para sa isang charity boxing match.
Iminungkahi pa ng PNP chief na ganapin ito sa Araneta Coliseum ngayong Linggo, at nagbiro na gawing referee si dating world boxing champion Manny Pacquiao.
Una rito, hinamon ng suntukan ni Acting Davao City Mayor Baste si Torre sa pinakahuling episode ng kanyang podcast na “Basta Dabawenyo” nitong Linggo.
Sinabi ni Duterte na, “Matapang ka lang kasi may posisyon ka. Kung suntukan lang, kaya kitang tapatan.”
Matatandaang pinamunuan ni Torre, na noo’y direktor pa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang pagpapatupad ng arrest warrant laban sa ama ni Baste na si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso.
Hindi ito ang unang beses na nagpalitan ng maaanghang na salita sina Duterte at Torre.
Matapos italaga si Torre noong Hunyo bilang bagong hepe ng PNP, dahilan upang umangat siya mula major general na may 2-star rank patungong general o 4-star rank ay nagpahayag si Mayor Duterte na hindi umano dumaan sa tamang proseso ang promosyon ni Torre.
Sinagot naman ito ni Torre, at binanggit na noong 2016 ay mismong si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nagtalaga sa noon ay dating Davao City police chief Ronald “Bato” dela Rosa bilang PNP chief, kahit isa pa lamang itong brigadier general o 1 star rank.








