--Ads--

CAUAYAN CITY – Umaasa ang pamunuan ng PNP Drug Enforcement Group Cordillera na mabibigyang pansin ng mga regional at national agencies ang pagkakaingin na isinasagawa ng mga personalidad upang pagtamnan ng marijuana.

Matatandaang sinira ng mga kapulisan ang humigit kumulang isang bilyong halaga ng marijuana sa siyam na araw na marijuana eradication sa mga kaingin sa bayan ng Tinglayan, Kalinga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Joel Estaris, Chief ng PNP Drug Enforcement Group Special Operations Unit Cordillera, sinabi niya na umaasa silang mabibigyang solusyon ang pagtatanim ng mga tao ng marijuana kahit alam nilang ito ay ipinagbabawal sa batas.

Ayon kay PCol. Estaris maaring ang kailangang solusyon dito ay ang pamamahagi ng pananim sa mga residente at paggawa ng mga farm to market roads upang hindi na sila magtanim ng marijuana.

--Ads--

Plano naman nilang isangguni ito sa mga kinauukulan sa mga isasagawang pagpupulong.

Tiniyak naman niyang patuloy ang maigting na monitoring ng pulisya sa lalawigan ng Kalinga dahil ayaw din nilang matawag na Marijuana Capital of the Philippines dahil sa rampant na pagtatanim ng marijuana.

Pinaalalahanan naman niya ang mga nagtatanim ng Marijuana na itigil na ang ganitong kabuhayan dahil sa masamang epekto sa mga gumagamit lalo na sa mga kabataan.

Mag-isip na lamang aniya ng alternatibong pangkabuhayan na walang nasisirang buhay ng kapwa tao.