--Ads--

Tiniyak ng PNP Echague ang mahigpit na seguridad kaugnay ng pagdiriwang ng Mengal Festival na nagsimula noong Setyembre 16 at tatagal hanggang Oktubre 11.

Ayon kay Police Captain Abner Accad, Deputy Chief of Police ng PNP Echague, nakalatag na ang kanilang Deployment Plan, kung saan araw-araw ay nagde-deploy sila ng sampung pulis upang masigurado ang kaligtasan at kaayusan ng mga kalahok at bisita.

Dagdag pa ni Accad, bagama’t pinapayagan ang pagbebenta at pag-inom ng alak sa mga aktibidad, lalo na sa banchetto, kung saan pinapayagan lamang ito hanggang alas-11 ng gabi upang maiwasan ang mga posibleng aberya.

Sa ngayon, wala pa umanong naitatalang anumang kaguluhan sa bayan mula nang magsimula ang pagdiriwang. Umaasa rin ang pulisya na mananatiling mapayapa ang lahat ng aktibidad hanggang sa pagtatapos ng festival.

--Ads--

Nagbigay din ng paalala si Accad sa mga nagnanais makisaya sa mga event ng Mengal Festival na ingatan ang kanilang mga mahahalagang gamit at iwasan ang pagdadala ng mga kontrabando gaya ng armas upang maiwasan ang anumang insidente.

Ang Mengal Festival ay isa sa pinakamalalaking taunang selebrasyon sa bayan ng Echague, na dinarayo ng mga residente at bisita mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.