CAUAYAN CITY- Tiniyak ng Gamu Police Station ang kahandaan sa seguridad at daloy ng trapiko para sa nalalapit na kapistahan ng Our Lady of Visitation sa Barangay Guibang.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Lieutenant Jacinto Decena, Deputy Chief of Police ng Gamu, sinabi niyang naging abala ang kanilang hanay sa paghahanda para sa inaasahang dagsa ng mga deboto.
Bahagi ng kanilang traffic management plan ang pagpapatupad ng one-way traffic scheme sa entrance at exit ng simbahan upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng sasakyan.
Pinapayagan ang drop-off zone sa tapat ng simbahan, habang may nakatalagang parking area sa paligid nito para sa mga sasakyan ng mga dumalo sa misa.
Katuwang ng PNP ang mga force multipliers mula sa Barangay Gamu upang tiyakin ang kaayusan sa paligid ng simbahan sa buong panahon ng selebrasyon.
Inaasahan namang magiging mas magaan ang trapiko ngayong taon dahil naayos na ang ilang kalsada at natanggal na ang mga sagabal sa kahabaan ng provincial road.
Ilang pribadong indibidwal rin ang kusang nagpahiram ng parking space upang makatulong sa pagpapanatili ng kaayusan.










