--Ads--

CAUAYAN CITY – Iniimbestigahan na ng pulisya kung paano nakalusot sa checkpoint sa Cordon, Isabela ang bagong positibo sa Coronavirus (COVID-19) na umuwi sa Echague, Isabela mula sa Caloocan City .

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Information Officer Elizabeth Binag, sinabi niya na galing sa Dubai ang Overseas Filipino Worker (Ofw) at dumating sa NAIA Terminal 2 noong March 18, 2020 ngunit nanatili sa Caloocan City hanggang May 31, 2020.

Bumiyahe siya noong May 31, 2020 patungo sa Isabela sakay ng isang truck at bumaba sa Santiago City.

Mula sa Santiago City ay sumakay siya ng tricycle subalit hindi sila dumaan sa pambansang lansangan.

--Ads--

Ayon kay Atty. Binag, noong June 5, 2020 ay sinundo ang OFW sa kanilang bahay at dinala sa quarantine facility sa Echague, Isabela.

Dinala rin siya sa Echague District Hospital at isinailalim sa swab test noong June 8, 2020 at kinabukasan ay lumabas na positibo siya sa COVID-19.

Isinailalim siya sa ikalawang swab test noong Miyerkoles at positibo pa rin siya sa virus.

Sinabi ni Atty. Binag na ipinasisiyasat na ni PCol. James Cipriano, provincial director ng Isabela Police Provicial Office (IPPO) kung paano nakalusot ang OFW sa checkpoint sa Cordon, Isabela.

Ang pahayag ni Atty. Elizabeth Binag

Nagtungo sa Cordon si PCol. Cipriano para obserbahan ang pagmamando ng checkpoint upang malaman kung ano ang naging pagkukulang ng mga nagbabantay.

Samantala, sa naging  panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Alford Accad, hepe ng Cordon Police Station, sinabi niya na mahigpit ang kanilang pagmamando sa checkpoint at sinusuri ang lahat ng mga pumapasok na sasakyan.

May 16 na frontliners na nakatalaga sa checkpoint tuwing habang 14 sa araw katuwang ang mga health care personnel at mga pulis kabilang ang PNP Highway Patrol Group (HPG) na naatasang sumuri sa mga pumapasok na cargo truck.

Ang mga sasakyan na may lulan na magbabalik sa probinsiya mula sa ibang rehiyon ay idinidiretso na sa Punta Amelita Resort sa Cordon na itinalagang quarantine facility.

Dadaan sa interview ang isang indibidwal at aalamin ng mga nakatalagang health care worker ang pupuntahang bayan o lunsod para sa koordinasyon sa pamahalaang lokal.

Susuriin nila ang mga hawak na medical certificate, travel authority at isasailalim din siya ng check up ng nakatalagang Doktor.

Kung walang mga dokumento ang mga indibidwal na pumapasok sa Isabela ay pinababalik sila sa lugar na kanilang pinagmulan.

Ang pahayag ni PMaj Alford Accad