Nakatakdang ipatawag sa Lunes ang hanay ng pulisya sa lungsod ng Cauayan upang talakayin ang seguridad ng taumbayan.
Matatandaan na may mga naitalang krimen sa lungsod sa mga nakalipas na pagkakataon tulad na lamang ng pamamaril at nakawan, kaya hangad ngayon ng Lokal na pamahalaan na masugpo na ang krimen.
Sa naging pagpapahayag ni Sangguniang Panlungsod member Telesforo Mallillin, dahil nakatutok aniya ang hanay ng Public Order and Safety Division (POSD) sa panghuhuli ng mga lumalabag sa batas trapiko, hihilingin naman aniya ng konseho na paigtingin naman ng pulisya ang kanilang hanay para sa pagtutok naman sa ibang kriminalidad sa lunsod.
Paglilinaw niya na pagsapit ng alas sais ng gabi ay dapat na ipagpatuloy ng mga kapulisan ang pagbabantay sa kakalsadahan at pagroronda dahil kinakailangan ding magpahinga ng mga POSD personnel.
Sa paraang ito ay makatitiyak aniya na lahat ng krimen ay masusugpo at mababawasan pa ang paglabas ng mga kolorum na namamasada tuwing gabi.











