CAUAYAN CITY – Nagpalabas ng kautusan si P/Sr. Supt. Reynaldo Garcia, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office sa mga himpilan ng pulisya na mas paigtingin ang pagbabantay sa kanilang nasasakupan.
Ito ay kasunod ng naganap na engkwentro sa pagitan ng sundalo ng 86th Infantry Battalion at mga kasapi ng New Peoples Army na kabilang sa Benito Tesorio Command sa Brgy. San Carlos, Echague, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sr. Supt. Garcia, awtomatiko ang kanyang kautusan na maging alerto ang iba’t ibang himpilan upang mahadlangan ang ibang plano ng mga makakaliwang pangkat.
Matapos aniya na matanggap ang impormasyon kaugnay sa sagupaan ay agad na nagpadala ng tropa sa lugar upang magsilbing augmentation force ng mga militar.
Hinikayat pa ng panlalawigang direktor ang publiko lalo na sa mga may sightings ng NPA na agad makipag-ugnayan sa mga kinauukulan upang agad matugunan.
Naniniwala pa si Sr. Supt. Garcia na ang engkwentro sa Echague, Isabela ay paghahanda umano ng mga NPA kaugnay sa nalalapit na anibersaryo sa buwan ng Disyembre.
Tiniyak din niya ang kahandaan ng kanilang hanay upang mahadlangan ang anumang plano ng mga kalaban ng pamahalaan.




