CAUAYAN CITY – Magmula noong taong 2007 ay nakikiisa na ang pamunuan ng Isabela Police Provincial Office ( IPPO ) sa Earth Hour ngayong gabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Supt. Ronald Laggui, Police Community Relations ng IPPO na malaking tulong ang Earth Hour upang maibsan ang epekto ng climate change kayat pagsapit ng 8:30 hanggang 9:30 ng gabi ay lahat ng mga hindi kinakailangang ilaw ay kanilang papatayin.
Kaugnay nito ay inatasan na ang lahat ng mga himpilan ng pulisya sa Isabela na magpatrolya sa panahon ng Earth Hour.
Inihayag pa ni P/Supt. Laggui na kinakailangang maging visible ang mga pulis sa mga lansangan pangunahin na sa mga lugar na maaaring samantalahin ng mga kawatan ang pagkakataon upang magsagawa ng pagnanakaw at iba pang illegal na gawain.
Samantala, makikibahagi rin ang pamahalaang lunsod ng Cauayan City sa iba pang LGUs sa Isabela sa Earth Hour.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni City Administrator Jose Abad, taun-taon ay nakikilahok ang LGU Cauayan City sa Earth hour batay na rin sa kautusan ng DILG.
Noon anyang nakaraang lunes ay inatasan ang mga kawani ng pamahalaang lunsod na makibahagi rin sa kani-kanilang tahanan at patayin ang mga hindi kinakailangang ilaw mula 8:30 hanggang 9:30 ng gabi.
Bukod dito ay pinagsabihan din Ang mga kawani na hikayatin din ang kanilang mga kapitbahay na makibahagi sa Earth Hour ngayong gabi.




