CAUAYAN CITY- Ilang araw bago sumapit ang Semana Santa ay pinaghahandaan na ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang pagbibigay ng seguridad sa buong lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Supt. Ronald Laggui, Police Community Relations officer ng IPPO, sinabi niya na ipapatupad na nila sa mga susunod na araw ang Oplan Bantay Kalsada.
Magkakaroon ng Police Assistance Center malapit sa mga simbahan, ilog, palengke at mga lansangan na kadalasang dumadaan ang mga nag-aalay lakad.
Makikipag-ugnayan din ang pulisya sa iba’t ibang Non Government Organizations at ahensiya tulad ng rescue, kabalikat at iba pa para mas mabilis ang pagtugon sa mga nangangailangan.
Madalas na marami ang nagtutungo sa mga ilog tuwing Semana Santa kayat tututukan nila ang pagbabantay sa mga ilog upang makaiwas sa pagkalunod.
Noong nakaraang Semana Santa ay naitala sa isabela ang mahigit 10 kaso ng pagkalunod.
Isa umano sa mga hakbang na gagawin umano ng PNP ay ang paglalagay ng floating rope sa mga malalalim na bahagi ng Ilog upang hindi ito puntahan ng mga tao.
Isa pa sa mga tutukan ng PNP ang mga terminal na tiyak maraming dadagsang byahero.




