CAUAYAN CITY– Pinaigting na ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang kanilang monitoring sa mga krimen sa lalawigan sa pagpasok ng ‘ber’ months.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Mariano Rodriguez, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) sinabi niya na ito ay dahil mas marami ang tao kapag dumating na ang ‘ber’ months gayundin na mas marami ang pera ng mga tao at dumarami ang nangyayaring krimen.
Gayunman, wala silang babaguhin sa kanilang deployment maliban sa araw ng pasko at bagong taon.
Karaniwan aniyang nabibiktima ng pagnanakaw ay ang mga bahay na walang tao dahil nasa bakasyon ang mga may-ari, gayundin ang pambibiktima ng mga manloloko sa mga matatanda na nagwiwithdraw sa mga bangko ng pera.
Pinaalalahanan ni Pcol Rodriguez ang publiko na maging mapagmatyag upang hindi maging biktima ng mga kawatan.
Kung may malalaman silang banta sa kanilang buhay o sa kanilang mga ari-arian ay ipabatid agad sa pinakamalapit ng himpilan ng pulisya sa kanilang lugar para maaksyonan agad.





