Magde-deploy ang Philippine National Police ng halos 55,000 tauhan sa buong bansa mula Marso 29 hanggang Mayo 31 upang tiyakin ang seguridad sa darating na summer vacation.
Ayon kay Anna Liza Macapinlac, chief ng Public Safety Division ng PNP Directorate for Operations, aabot sa 54,989 personnel ang ipapakalat. Kabilang dito ang 36,163 na pulis, 4,738 mula sa augmented units, at 14,088 mula sa auxiliary groups at iba pang force multipliers.
Ang mga ito ay magbabantay upang mapanatili ang seguridad, kapayapaan, at kaayusan sa mga lugar na dinarayo ng maraming tao tulad ng mga tourist destination, transport terminal, pangunahing kalsada, pantalan, paliparan, at iba pang pampublikong lugar.
Sa ilalim ng Oplan Summer Vacation 2026, magtatayo rin ang PNP ng mga motorist assistance center, police assistance desk, at tourist police desk sa mga pangunahing ruta at destinasyon ng mga biyahero.
Magtatalaga naman ang PNP Highway Patrol Group ng mga road marshal sa mahahalagang kalsada at bus terminal upang tumulong sa daloy ng trapiko at kaligtasan ng mga motorista.
Samantala, paiigtingin ng PNP Anti-Cybercrime Group ang cyber patrol at information campaigns laban sa mga pekeng travel offers, online bookings, at iba pang uri ng scam. Magsasagawa rin ng awareness campaigns ang Police Community Relations unit upang paalalahanan ang publiko sa mga posibleng panganib sa panahon ng bakasyon.
Itataas naman sa heightened alert status ang buong kapulisan simula Marso 29 bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong tag-init.










