--Ads--

Naghahanda ang Isabela Provincial Police Office (IPPO) ng mataas na antas ng seguridad para sa nalalapit na Holy Week 2026, simula March 29 hanggang April 5.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay kay Pcapt. Scarlette Topinio, information officer ng IPPO, sinabi niya na may nakahandang operational guidelines at deployment plan ang probinsya upang masiguro ang seguridad sa lahat ng lugar, lalo na sa mga simbahan, resorts, ilog, at iba pang pook pasyalan na dinarayo ng mga deboto at turista.

Binigyang-diin niya na magkakaroon ng motorist assistance desks at police assistance desks sa mga strategic areas upang agad matulungan ang mga bumabiyahe at bumibisita sa iba’t ibang destinasyon. Kasama rin sa seguridad ang mga barangay officials, tanod, at advocacy groups na katuwang ng PNP.

Ayon kay Topinio, sapat ang bilang ng pwersa ng pulis sa bawat istasyon, at may standby personnel sa provincial headquarters kung kinakailangan ng karagdagang suporta. Siniguro rin niya na tuloy ang deployment kahit tumaas ang presyo ng petrolyo, upang hindi maapektuhan ang seguridad at kaligtasan ng publiko.

--Ads--

Nagpaalala si Topinio sa publiko na makiisa sa mga polisiya at umiwas sa mga delikadong gawain sa panahon ng Holy Week. Pinayuhan din niya ang mga mamamayan na magdala ng sapat na tubig at mag-ingat sa init ng panahon, lalo na ang mga nakatatanda.

Hinihikayat ng Isabela PNP ang lahat na maging maingat at makipagtulungan sa mga pulis upang matiyak ang isang mapayapa at ligtas na paggunita sa Holy Week 2026 sa lalawigan.