--Ads--

Nitong Biyernes Santo, Abril 18, 2025, nasa kabuuang 68,465 na personnel ng Philippine National Police na ang naka-deploy sa ilalim ng “Ligtas SUMVAC 2025” para tiyakin ang kaligtasan ng publiko ngayong Kuaresma.

Marami ang inaasahang maglalakbay at pupunta sa mga simbahan, pilgrimage sites, terminal, mga beach, malls, at iba pang pampublikong lugar, kaya’t pinalakas ng PNP ang kanilang presensya sa buong bansa. Nasa 19,120 na personnel ang pinadala sa mga simbahan, 18,283 sa mga pangunahing kalsada, 8,711 sa mga terminal, 10,125 sa mga commercial areas, at 12,226 sa mga tourist spots at recreation sites.

Sa kabila ng mapayapang pag-obserba sa Semana Santa, nakapagtala ang PNP ng 28 insidente, kasama na ang 16 na kaso ng pagkalunod, 2 aksidente sa kalsada sa Metro Manila at Region 2, 1 kaso ng arson sa PRONIR, at 3 sunog sa Metro Manila, Region 8, at Region 9. Agad tumugon ang mga pulis kasama ang ibang ahensya sa mga insidente.

Sa pahayag, sinabi ni PNP Chief Police General Rommel Francisco D. Marbil na nakatutok ang PNP sa pagtiyak ng kaligtasan ng publiko ngayong Holy Week at sa buong summer season. “Ang kapulisan ay buong pusong naglilingkod at nakaantabay para sa inyong kaligtasan. Hinihikayat po namin ang bawat isa na makiisa, mag-ingat, at agad na iulat ang anumang insidente sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya,” ani General Marbil.

--Ads--

Dagdag pa ni General Marbil, ang deployment na ito ay nagpapakita ng pagsunod ng PNP sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. tungkol sa proaktibong serbisyo publiko, lalo na sa mga mahahalagang okasyon at holiday.

Patuloy ang paalala ng PNP na makipagtulungan sa mga pulis at manatiling maayos at mapayapa sa lahat ng aktibidad.