Itinaas na ng Philippine National Police (PNP) ang alert level ng lahat ng unit nito bilang paghahanda sa posibleng mga pagtitipon at kilos-protesta kaugnay ng pagsisimula ng pagdinig ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., masusing binabantayan ng pulisya ang sitwasyon upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.
Nasa lugar na aniya ang mga personnel upang matiyak ang mapayapang pagsasagawa ng anumang aktibidad sa mga pampublikong lugar. Anuman ang panig o grupo, iginiit niyang naroon ang mga pulis upang pangalagaan ang kanilang karapatan at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan.
Binigyang-diin din ni Nartatez na mahigpit na ipatutupad ang maximum tolerance habang pinaiiral ang batas. Inatasan ang mga tauhan ng PNP na manatiling propesyonal at iwasan ang anumang komprontasyon.
Panawagan pa niya sa publiko na huwag magpadala sa matinding emosyon na maaaring humantong sa karahasan o paglabag sa batas. Aniya, hindi dapat dalhin sa lansangan ang anumang alitan, at nananatiling walang kinikilingan ang PNP sa layuning mapanatili ang kapayapaan at seguridad ng bawat Pilipino.
Ngayong Lunes, Pebrero 23, sisimulan ang pre-trial confirmation of charges hearing sa ICC kaugnay ng umano’y crimes against humanity na iniuugnay sa anti-drug campaign ng administrasyong Duterte. Sa apat na araw na pagdinig, titingnan kung may sapat na ebidensya upang umusad ang kaso sa paglilitis.











