Naka–full blast deployment ang Naguilian Police Station (PS) sa bisperas ng Bagong Taon upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko sa buong bayan ng Naguilian.
Ayon kay PMaj. Ferdinand Datul, Chief of Police ng Naguilian PS, 90 porsiyento ng kanilang hanay ang idedeploy sa labas, kabilang na ang mga mobile patrol at foot patrol na iikot sa buong area ng bayan. Samantala, ang natitirang 10 porsiyento naman ng kapulisan ay nakaantabay sa loob ng himpilan bilang quick reaction force.
Dagdag pa ni PMaj. Datul, mayroon din silang assistance desk na 24/7 na nakaantabay upang agad na tugunan ang mga reklamo, insidente, at iba pang pangangailangan ng mamamayan sa bisperas ng Bagong Taon.
Bukod dito, mahigpit ding babantayan ng Naguilian PS ang mga indibidwal na magpapaputok ng boga at ang mga gagamit ng modified mufflers bilang pampaingay sa pagsalubong ng Bagong Taon, alinsunod sa umiiral na mga patakaran. Sa kasalukuyan, ayon sa pulisya, wala pa silang naitatala o nahuhuling gumagamit ng boga sa kanilang nasasakupan.
Samantala, sa hiwalay na pangyayari, nagtungo ang Reina Mercedes Police Station sa lungsod ng Ilagan matapos ang pagkakatagpo ng isang bangkay sa Barangay Lullutan, Ilagan City, kaninang bandang alas-9:00 ng umaga upang kumpirmahin kung ito ay may kaugnayan sa dalawang batang hinihinalang nalunod kamakailan.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng mga awtoridad upang mabigyang-linaw ang nasabing insidente habang nananatiling nakaalerto ang kapulisan sa pagtiyak ng ligtas at mapayapang pagsalubong sa Bagong Taon.










