Mahigit ₱1.3 milyong halaga ng mga narra flitches na ilegal umanong ibiniyahe mula Tabuk, Kalinga, ang nasabat ng mga awtoridad sa isang checkpoint operation sa Barangay Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya, pasado alas-ttres ng hapon noong Nobyembre 3.
Ayon sa ulat ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO), nadiskubre ng mga operatiba ng 1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company (NVPMFC) ang mga kahoy na nakatago sa ilalim ng sako-sakong ipa sa loob ng isang puting Isuzu Elf truck.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Major Novalyn Aggasid, Information Officer ng NVPPO, sinabi niya na napagpasyahan ng mga pulis na pahintuin ang naturang sasakyan matapos mapansing walang nakakabit na plaka. Nang tanungin ang driver tungkol sa kargamento, sinabi nitong ipa o rice hull lamang ang laman ng truck.
Gayunman, nang suriin ng mga tauhan ng NVPMFC, kasama ang Mobile Platoon, Diadi Municipal Police Station, at Provincial Intelligence Unit, napansin nila sa isang maliit na siwang ng trapal na may mga kahhoy sa ilalim ng ipa. Dahil dito, agad nilang sinuri ang loob ng sasakyan at tumambad ang mga narra flitches na itinagong maigi.
Doon na umano umamin ang driver at ang kanyang pahinante na mga kahoy nga ang kanilang kargamento. Nang hingan ng mga pulis ng kaukulang dokumento o permit sa pagbiyahe ng troso, wala silang naipakita. Inamin din nila na ang mga kahoy ay mula pa sa Tabuk, Kalinga, at nakatakdang dalhin sa isang buyer sa Bulacan.
Sa tulong ng mga kawani ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Bayombong, natuukoy na ang mga nakumpiskang kahoy ay pawang narra, isang uri ng premium hardwood na mahigpit na pinoprotektahan ng bbatas dahil sa mataas nitong halaga at limitadong suplay.
Batay sa isinagawang aktuwal na imbentaryo ng CENRO Bayombong, umabot sa 2,761 board feet ang kabuuang sukat ng mga kahoy, na may tinatayang halagang higit sa ₱1.3 milyon sa merkado.
Ayon kay PMaj. Aggasid, sasampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree No. 705 o ang Forestry Code of the Philippines ang mga sangkot na indibidwal dahil sa paggbiyahe ng troso nang walang kaukulang dokumento o permit mula sa DENR.
Ang mga nakumpiskang kahoy ay itinurn-over sa CENRO Bayombong para sa wastong imbentaryo at disposisyon, habang ang truck at mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya para sa karagdagang imbestigasyon.










