CAUAYAN CITY – Kinondena ng pamunuan ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office ang naganap na pagbaril-patay ng isang pulis sa magkasintahan sa Brgy. Balzain, Dupax del Sur.
Unang naiulat na ang biktima ay ang magkasintahan na sina Joseph Agrabante, 29 anyos at residente ng nasabing lugar at Edilisa Mae Manuel, 26 anyos at residente ng Mabuslo, Bambang, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Chief Insp. Giovanni Cejes, ang public information officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, lasing na nagtungo ang suspek na si PO3 Jerwin Gose,38 anyos na kasapi ng Dupax del Sur Police Station sa bahay ng biktima at hinahanap ang kanyang kasintahan.
Dahil sa hindi makita ng suspek ang kasintahan ay dito na pinagbabaril ang magkasintahan na nadatnan sa loob gamit ang kanyang service firearm na Cal. 9mm pisto at M16 armalite rifle.
Agad namatay si Agrabante habang dinala pa sa pagamutan si Manuel subalit binawian din ng buhay
Tumugon naman ang mga kasapi ng PNP-Dupax del Sur subalit nakipagpalitan ng putok si PO3 Gose na nagsanhi ng kanyang kamatayan.
Sinabi pa ni Chief Insp. Giovanni Cejes, public information officer ng PNP Nueva Vizcaya sa exklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan na pupulungin nila ang mga kasapi ng NVPPO upang hindi na maulit ang naturang pamamaril kung saan sangkot ang isang pulis.




