Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Cauayan City Police Station sa pagkakakilanlan ng nagtapon ng sanggol sa irigasyong nasasakupan ng Brgy. San Antonio.
Matatandaang natagpuang wala nang buhay ang nasabing sanggol nang ito ay makita ng mga magsasaka sa isang kanal o irigasyon sa Sitio Tabbaruk, San Antonio Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan PMaj. Rufo Pagulayan, Deputy Chief of Police ng Cauayan City Police Station sinabi niya na kasalukuyan ang kanilang pagreview sa mga CCTV Cameras na malapit sa lugar na maaring nakahagip sa taong nagtapon sa nasabing sanggol.
Aniya may kalayuan na kasi ito sa mga kabahayan at batay sa kanilang pagtatanong sa nasabing barangay walang residente doon na kapapanganak lamang.
Maaring ilang araw nang ipinanganak ang sanggol dahil wala na ang umbilical cord nito kaya maaring parricide na ang isampang kaso sa inang nagtapon.
Pinaalalahanan naman niya ang publiko na malaking gampanin ang pagkakaroon ng anak at kung hindi ito kayang pangatawanan ay mas maiging huwag munang magbuntis dahil buhay ng inosenteng bata ang nasasayang.
Marami ring gusto nang magkaanak ngunit hindi nabibiyayaan
Nanawagan naman siya sa ina ng nasabing sanggol na sumuko na lamang at pagbayaran ang nagawang kasalanan sa sarili nitong anak.











