Pinakilos na ni PNP Acting Chief PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga police unit sa Bangsamoro region upang tukuyin at arestuhin ang mastermind sa pananambang kay Shariff Aguak, Maguindanao del Sur Mayor Akmad Mitra Ampatuan, na naganap sa Barangay Poblacion noong Linggo, Enero 25.
Ayon kay Nartatez, magtatayo ng Special Investigation Task Group (SITG) upang mangalap ng forensic evidence mula sa sasakyan at mga armas ng mga suspek at makabuo ng matibay na kaso laban sa mga responsable sa pag-atake sa grupo ng alkalde.
Inatasan din niya ang PRO-BAR na palakasin ang kampanya laban sa mga ilegal na baril sa buong rehiyon upang maiwasan ang katulad na insidente at masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Muling iginiit ng PNP ang kanilang matatag na paninindigan laban sa karahasan na may kinalaman sa politika, habang nagbabala si Nartatez sa sinumang nagtatangkang guluhin ang rehiyon.
Matatandaang nakaligtas si Mayor Ampatuan sa pananambang, subalit dalawa sa kanyang security escorts ang bahagyang nasugatan, at nasira rin ang back-up na Toyota pick-up ng kanyang convoy dahil sa putok ng baril.
Samantala, iniulat ng pulisya na napatay ang lahat ng mga gunman sa isinagawang hot pursuit sa kahabaan ng national highway.











