--Ads--

Nakatakda nang palitan ang pangalan ng PNP Regional Training Center na matatagpuan sa Lungsod ng Cauayan, Isabela. Ipangangalan ito kay dating Gobernador Faustino Dy Sr., bilang pagkilala sa kanyang naging ambag sa pagtatag ng nasabing pasilidad.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Ysmael Atienza Sr., Chairman ng Isabela Anti-Crime Task Force at Adviser ng Regional Training Center (RTC), sinabi niyang aprubado na sa Kongreso ang pagpapalit ng pangalan ng ahensiya.

Ayon kay Atienza, ang hakbang ay bilang pagkilala at pasasalamat sa yumaong gobernador, na siyang nagmungkahing sa Cauayan itayo ang training center na orihinal sanang ilalagay sa Cagayan Province. Agad din umano itong inaprubahan noon ni dating DOJ Secretary Juan Ponce Enrile.

Aniya, tatalakayin na ngayong araw ang nasabing plano sa kanyang pagbisita sa Regional Training Center, kasama ang bubuuing RTC Advisory Council.

--Ads--

Dagdag pa ni Atienza, posibleng sa susunod na taon ay tuluyang mapalitan na ang pangalan ng RTC, kapag maagang nakapaglaan ng pondo para rito. Ipinaalam na rin umano ito kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, na kaanak din ng yumaong gobernador.

Ang magiging bagong pangalan ay ihahalintulad sa mga kampo ng PNP at AFP na ipinangalan sa mga natatanging lider tulad ng Camp Arturo at Camp Aquino.

Samantala, bubuoin at palalawakin ang RTC Advisory Council upang tumulong sa pagbibigay ng mga rekomendasyon at payo kaugnay ng mga isyung kinahaharap ng training center.

Ang mga miyembro ng council ay inaasahang magmumula sa sektor ng academe, legal profession, retired PNP officials, at iba pang kinatawan mula sa pribadong sektor.