--Ads--

CAUAYAN CITY – Bumuo ng Special Investigation Task Force ang Philippine National Police (PNP) upang tutukan ang kaso ng pagbaril at pagpatay kay dating Board Member at dating Vice Mayor Narciso Amansec ng Dipaculao, Aurora Province.

Matatandaang kasama niyang napatay matapos pagbabarilin noong Lunes, October 3, 2022 ang sinasakyan nilang pick up ang misis na si Merlinda Amansec at kanilang driver na si Leonard Calusa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Emil Sison, Public Information Officer ng  Aurora Police Provincial Office, sinabi niya na patungo ang mga biktima sa kanilang negosyo upang pasahurin ang kanilang mga empleyado nang mangyari ang pananambang ng hindi pa nakikilalang suspek sa bahagi ng Barangay Dibutunan, Dipaculao, Aurora.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 25 na basyo ng Caliber 45 at 9mm na baril.

--Ads--

Ayon sa pulisya, may tinitingnan na silang lead kung sino ang mga suspek.

Hindi isinasantabi ng mga awtoridad ang posibilidad na may kinalaman sa pulitika ang pagpaslang sa mga biktima.

Matatandaang tumakbo bilang bise gobernador si Narciso Amansec noong nakaraang halalan ngunit natalo.

Unang inihayag ni Senador Sonny Angara na magbibigay siya ng 300,000 pesos na pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para matukoy at maaresto ang mga suspek.