CAUAYAN CITY- Kalasingan umano ang tinitignang dahilan kung bakit nalunod ang dalawang lalaki sa Ilog Magat na nasasakupan ng Brgy. San Roque, San Mateo, Isabela.
Una nang naipaulat sa Bombo Radyo Cauayan na nasawi sina Ryan Tomas at Akong Matias na residente ng San Andres sa parehong nabanggit na bayan kahapon matapos silang magkayaaang uminom at maligo sa ilog.
Ayon kay Renato Lagumbay Dela Cruz, kasama ng mga biktima, nagbibiruan pa umano silang magkakaibigan at napansin niya na nagtungo ang dalawa sa malalim na bahagi ng ilog.
Sinabihan niya umano ang dalawa na huwag gaanong lumayo ngunit pagkalipas lamang ng ilang minuto ay naglaho na ang mga ito.
Sinubukan naman niyang isalba ang dalawa ngunit nabigo sya dahil sa lalim ng naturang ilog.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSgt. Benedict Noto, imbestigador ng San Mateo Police Station sinabi niya na batay sa kanilang pagsisiyasat ay dala umano ng kalasingan kung bakit nalunod ang dalawang biktima dahil nag-inuman sila bago maligo.
Aniya, nang dahil sa insidente ay paiigtingin nila ang kanilang pagmo-monitor sa mga ilog maging ang kanilang pagpapa-alala sa mga residente na magtutungo doon.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na may nalunod sa naturang ilog.
Pinaalalahanan naman niya ang publiko na iwasang maligo sa ilog at huwag uminom ng nakalalasing na inumin kapag magtutungo doon.





