Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay sa ilang gasolinahan na umano’y pansamantalang nagsara ng operasyon kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng PNP na nag-aalala sila sa posibilidad ng hoarding o pagtatago ng suplay ng gasolina at manipulasyon sa presyo.
Ayon kay PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr., nauunawaan ng pulisya ang hirap na kinahaharap ng mga may-ari ng gasolinahan dahil sa epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan na nakaapekto sa pandaigdigang presyo ng langis.
Gayunman, nagbabala si Nartatez na kung mapapatunayang may ilegal na gawain sa likod ng biglaang pagsasara ng mga gasolinahan, agad itong aaksyunan ng pulisya.
Samantala, hiniling ng Department of Energy (DOE) ang tulong ng PNP upang imbestigahan ang mga gasolinahang pinaghihinalaang nagsasamantala sa kasalukuyang krisis sa langis sa buong mundo.
Batay sa ulat ng pulisya, may ilang netizen ang nagreklamo tungkol sa hindi inaasahang pagsasara ng ilang gasolinahan at nanawagan sa pamahalaan na imbestigahan kung may nagaganap na hoarding at pagtaas ng presyo.
Inatasan din ang mga hepe ng pulisya sa iba’t ibang lugar na makipag-ugnayan sa DOE at sa mga lokal na pamahalaan upang alamin ang tunay na dahilan ng biglaang pagsasara ng mga gasolinahan.
Naglagay na rin ng mga help desk sa buong bansa upang tumanggap ng mga ulat at reklamo mula sa publiko.
Mag-iikot ang mga pulis sa mga gasolinahang pinaghihinalaang nagtatago ng suplay ng gasolina o nagmamanipula ng presyo.
Magde-deploy din ng mga pulis malapit sa mahahalagang supply points upang matiyak ang pagsunod sa mga regulasyon at maiwasan ang anumang pagkaantala sa serbisyo na maaaring makaapekto sa mga motorista.







