Pormal nang nanumpa sa tungkulin si Police General Nicolas Torre III bilang ika-31 na hepe ng Philippine National Police (PNP).
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang turnover ceremony nitong Lunes, Hunyo 2, sa Camp Crame, Quezon City, kung saan pormal na tinanggap ni General Torre ang pamumuno sa mahigit 220,000 na miyembro ng pambansang pulisya.
Kasabay ng kanyang pag-upo sa posisyon ay ang kanyang promosyon mula sa ranggong Police Major General patungong Police General.
Si Torre ay nakatakdang magretiro sa Marso 11, 2027, sa pag-abot niya ng mandatory retirement age na 56.
Bilang kauna-unahang hepe ng PNP na nagtapos mula sa Philippine National Police Academy (PNPA), dala ni Torre ang karanasan at disiplina ng “Tagapaglunsad” Class of 1993.
Pinalitan niya si dating PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, na nagretiro sa parehong araw ng turnover.
Unang inilabas ang pagkakatalaga ni Torre bilang bagong hepe ng pambansang pulisya noong Huwebes sa isang press briefing sa Malacañang, sa pangunguna ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Bago italaga sa pinakamataas na pwesto sa PNP, nagsilbi si Torre bilang Director ng Police Regional Office 11 (Davao Region) at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Noong Setyembre 2024, pinangunahan ni Torre ang pagpapatupad ng warrant of arrest laban sa kontrobersyal na pastor na si Apollo Quiboloy, na nahaharap sa mga kasong child abuse, sexual abuse, at qualified trafficking.
Noong Marso ng taong kasalukuyan, si Torre rin ang nagsilbing ground commander ng operasyong nagresulta sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na isinuko sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands, upang harapin ang mga kasong crimes against humanity kaugnay ng kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.











