CAUAYAN CITY – Naglagay ang Police Regional Office 2 (PRO2) ng Anti-Cybercrime Unit sa Santiago City Police Office (SCPO) dahil sa mga nangyayaring cybercrime.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Froilan Lopez, chief ng Regional Anti-Cybercrime Unit ng PRO2, sinabi niya na naglagay sila ng kanilang unit sa SCPO upang mailapit ang serbisyo sa mga biktima ng cybercrime sa Santiago City at mga karatig na lalawigan ng Nueva Vizcaya at Quirino.
Tumaas aniya ngayong pandemya ang paggamit ng mga Pinoy sa social media kaya nararapat lamang na tutukan ito at palakasin upang matugunan ang mga suliranin o pagmamalabis sa paggamit nito ng publiko.
Ayon kay PCol Lopez, maraming natatanggap ang kanilang unit na mga reklamo may kaugnayan sa social media mula sa Isabela Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya kung saan karaniwang naitatala ang online scam at cyber Libel.
Nagpaalala si PCol Lopez sa mga mamamayan na maging responsable sa pagpopost sa social media ng mga kaganapan sa kanilang buhay dahil maaari itong gamitin ng mga kawatan.











