CAUAYAN CITY – Nilinaw ng pamunuan ng Regional Training Center 2 na nakahimpil sa Minante Uno, Cauayan City na hindi sa hazing sa halip ay dahil sa heat stroke ang sanhi ng pagkamatay ng isa sa kanilang police trainee.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Supt. Cruz, ang nasawing biktima ay si PO1 Lorence Greg Maningo, dalawamput walong taong gulang, binata at residente ng Bangkal, Davao City.
Si PO1 Maningo ay kabilang sa Dalisay Class 2017 na isa sa mga recruit ng CIDG sa Camp Crame.
Ayon kay Supt. Cruz, madaling araw noong Sabado nang sumailalim sa team running ang kompanya ni PO1 Maningo at nang makarating sa Brgy Nagrumbuan ay dito siya nakaranas ng pagkahilo at nahimatay.
Kaagad namang dinala sa pagamutan ang naturang police trainee subalit habang nilalapatan ng medikasyon ay binawian din ng buhay dakong ala-una ng hapon.
Naiuwi na sa kanilang lugar sa Davao City ang labi ng police trainee na namatay dahil sa heat stroke.




