
CAUAYAN CITY – Ang mga inihaing circumstancial evidence na pinagtibay ng salaysay ng ina, kamag-anak at kasambahay ni Ret. Lt Col Danny Alingog ang nagpatibay sa kasong pagpatay na isinampa laban sa kanyang misis na si PSSgt Marilou Aligog na nakatalaga sa Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Solana Police Station sa Solana, Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMSgt Arthur Salvador, imbestigador ng Echague Police station, sinabi niya na ang ina mismo ni Retired Lt Col Alingog ang nagsampa ng kaso laban sa manugang na si PSSgt Alingog.
Lumabas sa kanilang pagsisiyasat na bago naganap ang pagbaril at pagpatay kay Alingog ng riding-in-tandem sa Echague, Isabela ay minonitor siya ng kanyang misis.
Ang numero ng cellphone na huling nakitang tumawag kay Alingog ay ang kanyang asawa.
Sinabi aniya ng ina ni Ret. PLt Col Alingog na habang pinaglalamayan ang kanyang anak ay nagkasagutan sila ng manugang at sinabi umano nito na kahit namatay na ang kanyang asawa ay isusunod niya ang mga kabit.
Ayon kay P/MSgt. Arthur Salvador, dito sila nag-umpisang mag-imbestiga hanggang sa may nasabi na rin ang dalawang kapatid ng biktima at ng kanilang labandera na sumusuporta sa akusasyon ng ina ni Alingog.
Sinabi ni PMSgt Arthur Salvador na wala na silang magagawa sa nasabing kaso dahil ang piskalya na ang nagpasya na matibay ang mga inihaing ebidensiya laban kay SSgt Marilou Alingog na sinasabing sumuko matapos na ipalabas ng korte ang mandamiento de aresto laban sa kanya noong Oktubre 2019.




