--Ads--

Nangangamba ang isang political analyst sa umiinit na bangayan ng mga pulitikong namumuno sa bansa kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea (WPS).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst at constitutionalist, sinabi niya na ang palitan ng maaanghang na pahayag sa pagitan ng mga kongresista at senador kung saan may mga akusasyon ng pagiging makabayan, traydor, at iba pang kahalintulad na paratang ay unti-unting naglilihis sa usapin mula sa mas mahalagang layunin ng bansa.

Ayon kay Yusingco, sa halip na magtulungan ang mga mambabatas upang pag-isahin ang paninindigan ng pamahalaan hinggil sa soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea, tila mas nangingibabaw ang personal at pampulitikang sigalot. Dahil dito, nawawala ang pokus sa konkretong hakbang na dapat gawin upang ipaglaban at mapagtibay ang karapatan ng bansa sa nasabing teritoryo.

Dagdag pa niya, mahalagang maibalik ng mga mambabatas ang diskurso sa mas makabuluhang antas partikular sa pagbuo ng malinaw na polisiya at estratehiya upang maisulong ang pambansang interes at mapanatili ang pagkakaisa ng bansa sa harap ng usaping may malaking implikasyon sa soberanya at seguridad ng Pilipinas.

--Ads--

Dagdag pa niya, malinaw aniya na ang hangarin lamang ng Pilipinas ay igalang ng China ang desisyon ng arbitral tribunal noong 2016, na kumikilala sa karapatan ng bansa sa mga bahagi ng West Philippine Sea.

Aniya, nais lamang ng pamahalaan na hayaan ng China na manatiling bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ang mga karagatang patuloy nitong inaangkin at inokupa, alinsunod sa international law.

Binigyang-diin din ni Atty. Yusingco na mas magiging epektibo ang paninindigan ng bansa kung magkakaroon ng pagkakaisa ang mga lider nito, sa halip na masayang ang panahon sa sisihan at politikal na akusasyon.

Aniya, ang pagbabalik sa malinaw na layunin ang pagtatanggol sa soberanya at pambansang interes ang dapat manaig sa diskurso ng mga mambabatas.