
CAUAYAN CITY – Dinagdagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng 1 billion ang naunang 1.5 billion pesos na pondong itutulong sa mga Overseas Filipino Workers (Ofw’s) na nawalan ng trabaho dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na kung dati ay puntiryang bigyan ng tulong ang 150,000 na Ofw’s ay magiging 250,000 na ang matutulungan dahil sa idinagdag na 1 billion na pondo.
Inihayag pa ni Atty. Bello na umaabot na sa 125,000 na Ofw’s na nasa sa iba’t ibang bansa ang nabigyan ng $200 o 10,000 pesos.
Kapag nakauwi na sa bansa ang Ofw na naapektuhan ng COVID-19 at nawalan ng trabaho ay mabibigyan pa rin ng tulong na katumbas ng $200.
Maliban dito ay bibigyan din ng DOLE ng tulong ang mga OFW na walang trabaho dahil naka-quarantine.










