CAUAYAN CITY – Patuloy ang isinasagawang pag-apprehend ng pamunuan ng Public Order and Safety Division o POSD sa mga pagala-galang bata na namamalimos.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin sinabi niya na ito ay mahigpit na kautusan ni City Mayor Caesar Jaycee Dy.
Aniya ang ginagawa nila ay dinadala ang mga ito sa Depatment of Social Welfare and Development o DSWD na siyang kokontak naman sa mga magulang o guardian ng mga nahuling bata.
Ayon kay POSD Chief Mallillin pangunahing pinupuntahan ng mga namamalimos na bata ang mga sikat na fast food chains kaya dito sila naglalagi upang maapprehend ang mga ito.
Malaking hamon naman aniya ito sa mga Punong Barangay dahil kung may mga nahuhuli silang mga kabataang pagala-gala at namamalimos ay agad na nilang dinadala sa barangay.
Aniya kapag paulit-ulit nang nahuhuli ang mga ito ay mga magulang na ang paparusahan.
Pinapasuri na rin aniya ni Mayor Jaycee Dy kung sino ang mga magulang ng nasabing mga bata dahil sila ang prayoridad tuwing may mga ibinibigay na ayuda ang pamahalaan.
Ayon sa punong lunsod hindi siya naniniwalang hindi nakakatanggap ng ayuda ang mga ito kaya kailangan pang magpalimos.
Pinaalalahanan niya ang mga magulang na huwag nang hayaan ang mga anak na pagala-gala sa lansangan dahil maring magdulot ito ng aksidente.