--Ads--

Mahigpit ngayong babantayan ng Public Order and Safety Division (POSD) ang Sipat Bridge at iba pang maliliit na tulay na nagsisilbing alternate route sa Lungsod ng Cauayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na bukas na ngayon para sa mga light vehicles ang inayos na approach ng Sipat Bridge. Pinapayagan ang mga single motorcycle, tricycle, kotse, at pick-up, subalit mahigpit na ipinagbabawal ang pagdaan ng mga elf truck.

Dahil sa nagdaang insidente, mas hihigpitan pa umano ang pagbabantay sa mga nakalagay na vertical clearance, lalo’t may ilang napaulat na pinakikialaman ito. Maliban dito, may mga abiso na ring nakapaskil bukod pa sa mga nakalatag na steel barricades.

Magpapatupad din ang POSD ng scheme kung saan magkakaroon ng kahalili ang kanilang mga tauhan sa pagbabantay sa tulong ng mga barangay tanod.

--Ads--

Samantala, inaasahang maaari nang madaanan ang Alicaocao Overflow Bridge dahil sa paghupa ng ulan at unti-unting pagbaba ng antas ng tubig.

Muling nagpaalala ang POSD sa mga motorista na gumagamit ng alternatibong ruta, lalo na sa mga maliliit na tulay, na limitado lamang ang bigat na kayang dalhin ng mga ito. Giit ni POSD Chief Mallillin, huwag nang ipilit ang pagdaan ng mga sasakyang may bigat na tatlong tonelada pataas upang maiwasan ang pagkasira ng mga lumang tulay.

Bilang suhestiyon, iminungkahi rin niya sa mga barangay na nasa alternate routes na magtalaga ng paradahan para sa mga trailer truck o malalaking sasakyan sa bahagi ng poblacion area, kung saan ligtas itong maiiwan nang hindi nakakaabala sa daloy ng trapiko.