
CAUAYAN CITY – Nagbabala ang Public Order and Safety Division o POSD sa mga estudyanteng gumagamit ng motorsiklo sa pagpasok sa eskwela na walang mga dokumento o lisensiya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD chief Pilarito Mallillin sinabi niya na marami na silang nahuhuli na mga estudyanteng pumapasok sa paaralan na pagmamaneho ng motorsiklo kahit walang kaukulang dokumento at walang lisensya.
Aniya walang dahilan para hindi mahuli ang mga estudyante dahil nagkaroon na ng pagpupulong ang mga kasapi ng sangguniang panglunsod kasama ang mga school heads sa bawat eskwelahan at napag usapan ang mga dapat ipatupad na hakbang upang maaksyunan ng paggamit ng motorsiklo ng mga estudyante.
Napagkasunduan ang pagpapatupad ng No Helmet no Entry Policy hindi na makakakapasok ang mga estudyante kung wala silang suot na helmet at hindi rin sila palalabasin ng eskwelahan kung wala rin suot na helmet.
Dagdag pa niya majority sa lahat kanilang mga nahuhuli ay walang driver’s license, at sa sampung mahuhuling mga mag aaral ay iisa lamang ang may lisensya.
Muli naman siyang nagpaalala sa mga magulang na isipin ang kapakanan ng kanilang anak dahil marami nang naitatalang aksidente sa kalsada na kinasangkutan ng motorsiklo.
Binigyang diin niya na mahirap mawalan ng mahal sa buhay kaya dapat madisiplina ng mga magulang ang kanilang mga anak at pangaralan sa tamang paggamit ng helmet at wastong pamamaraan sa pagkuha ng lisensya bago magmaneho.










