
CAUAYAN CITY – Nagbabala ang pamunuan ng Public Order and Safety Division o POSD sa mga kabataan na manggugulo sa mga aktibidad sa simbahan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni POSD Chief Pilarito Mallillin na sang-ayon siya sa ipinapatupad ngayon ng pamunuan ng Our Lady of the Pilar Parish na maging istrikto sa lahat ng bagay.
Kabilang na rito ang kasuutan lalo na sa mga kababaihan, pag-iingay sa loob ng simbahan maging ang paggamit ng cellphone habang nasa loob ng simbahan.
Aniya, disiplina ang kailangan sa pagtungo sa simbahan at babala niya na kung may balak mang manggulo ay huwag nang ituloy dahil bibitbitin sila palabas ng mga otoridad na nakabantay.
Aniya, nasa tatlumpu’t walong POSD personnel ang kanilang idineploy maliban pa sa kanilang mga force multipliers at mga barangay tanod.










