CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Public Order and Safety Division na mababantayan ng mabuti ang mga resto bar sa lungsod ng Cauayan napapabalitang nagpapapasok ng mga menor de edad at nasasangkot pa sa mga gulo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na nakipag-ugnayan na sila sa Punong Barangay ng Alinam patungkol sa nasabing impormasyon ngunit hindi na ito nagbigay ng pahayag dahil may isasagawang press conference.
Aniya nakakaalarma ito lalo na kung nagpapa-table din ang mga resto bar na ito at mga freelancer o fly by night pa ang mga entertainers nito.
Istrikto aniya ang pamahalaang panlungsod sa mga ganitong establisimento pangunahin sa Red Light District sa San Fermin na laging binibisita ng mga doktor upang maiwasan ang sexually transmitted disease.
Aniya kumpleto ng papeles ang mga ito at laging nasusuri ang mga nagtatrabaho.
Dapat aniyang isaalang-alang ang proteksyon ng mga kostumer lalo na kung mga kabataan pa ang mga ito.
Nanawagan naman siya sa punong barangay ng Alinam na makipag-cooperate upang matigil na ang operasyon ng nasabing establisimento o maisaayos ang kanilang operasyon.
Maraming mga residente na rin ang nababahala sa operasyon ng nasabing resto bar kaya kailangan na itong maaksyunan sa lalong madaling panahon.