Magsasagawa ng occular inspection ang Public Order and Safety Division sa mga sementeryo sa Lungsod ng Cauayan bilang paghahanda sa papalapit na Undas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na pangunahin nilang tututukan ang mga daan patungo sa mga sementeryo upang maiwasan ang pag-build up ng traffic.
Katuwang ang Philippine National Police, Highway Patrol Group, Bureau of Fire Protection, City Disaster Risk Reduction and Management Council, at barangay Officials ay magtatayo sila ng motorist assistance desk sa mga pangunahing lansangan upang umasiste sa mga motorista.
Ayon kay POSD Chief Mallillin, hindi na pahihintulutan ang mga dadalaw sa sementeryo na magdala ng anumang gamit panlinis pangunahin na ang patalim sa mismong All Souls’ at All Saints’ day.
Kailangan bago ang November 1 at 2 ay nakapaglinis na ang mga ito sa sementeryo.
Mahigpit ding ipagbabawal ang pagdadala ng videoke o sound system maging ang pagdadala ng nakalalasing na inumin sa loob ng sementeryo upang maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na insidente.











