Mahigpit na babantayan ng Public Order and Safety Division (POSD) ang mga terminals sa Lungsod ng Cauayan ngayong Holy Week.
Ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero na inaasahang dadagsa at magsisi-uwian sa Lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na nakipag-ugnayan na sila sa Land Transportation Office para sa paglalatag ng Motorist Assistance Desk na nakakalat sa mga pangunahing lansangan.
Maliban sa Motorist Assistance Desk ay mayroon ding ilalatag na Assistance Center sa mga ilog na sakop ng Cauayan City upang rumesponde at umagapay sa pangangailangan ng mga magtutungo sa mga ilog para mag-picnic.
Ni-require din ng kanilang hanay ang mga resort owners na magkaroon ng life saver upang maiwasan ang pagkalunod.
Umaasa si POSD Chief Mallillin na sa pamamagitan ng mga hakbang na ito ay maisasakatuparan ang kanilang hangarin na zero incident ngayong Semana Santa.
Samantala, pinaalalahanan naman niya ang mga tricycle drivers na huwag samantalahin ang pagdagsa ng mga tao sa lungsod para maningil sa mga pasahero ng labis na pamasahe o mas malaki kaysa sa umiiral na fare matrix.