--Ads--

CAUAYAN CITY – Mahigpit na tututukan ng Public Order and Safety Division Team ang speed limit o ang tulin ng patakbo ng mga sasakyan lalo na sa poblacion area dahil marami na umano ang hindi sumusunod dito.

Nakasaad sa Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code na may sinusunod na speed limit ang mga motorista.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Malilin,  sinabi niya nagkalat naman ang mga signage na 20 kph lamang ang maximum o ang maaaring patakbo ng mga sasakyan sa poblacion area habang 60 kph naman  sa labas ng poblacion.

Ito ay upang maiwasan aniya ang mga aksidente sa kalsada na napapadalas na maitala sa lungsod.

--Ads--

Aniya ang speed limit sa lungsod ay itinakda ng Department of Public Works and Highways o (DPWH) na siyang mas nakaaalam sa konstruksyon ng daan.

Aniya, araw araw na may lumalabag sa patakaran ng lansangan at araw araw na mayroon silang napagsasabihang mga motorista.

Ilan sa mga motorista umano ang minamasama ang paraan ng paninita nila ngunit kung ito lamang ang paraan upang walang maaksidente ay ipagpapatuloy pa rin nila ang pagtutok sa speed limit.

May mga tiniticketan din aniya sila at ang ilan ay nakikipagmatigasan pa.